Friday, June 27, 2008

sulat ni papa

dear paul,

unang-una, nais kong sabihin agad sa 'yo na alam ko nang bakla ka. yan ang dahilan kung baket kita sinulatan ngayon.

baket? anong nangyari? di ka naman ganyan dati diba?
alam mo anak, noong una kong narinig yan sa mama mo, di agad ako naniwala. kasi wala naman sa pamilya natin ang ganyan. kahit sa pamilya ng mama mo wala ding ganyan, halos lahat nga ng tito mo nagsundalo.

sa totoo lang di ko pa lubos maintindihan ang nararamdaman ko ngayon. sabi ng mama mo, wag daw akong magagalit sayo. nakakarinig na ako ng mga usap-usapan tungkol sayo dati pa. nagagalit ako sa kanila dahil iniisip ko sinisiraan ka lang nila. hanggang sa ang mama mo na rin mismo ang nagkwento sakin.

anak, naalala ko noong bata ka pa. palage kitang kasama sa bukid. ang hilig mong laro ay baril-barilan. palage kitang ginagawan ng kawayang sumpak na binabalahan mo ng basang papel o kaya'y papayang hilaw. iniisip ko noon, baka sumunod ka sa yapak ng mga tito mo na magsundalo. kaya nga ayaw kong pinagbabakasyon ka sa kanila kasi baka maipluwensiyahan ka nila.

parang gusto kong manghinayang at naging ganyan ka. sabi pa naman ng mga kuya ko, ikaw daw ang magbabalik sa angkan natin sa larangan ng pulitika. kasi magaling ka daw makisama, madami kang kaibigan.

naalala mo ba noong nasa hayskul ka? nahulihan kita ng loveletter sa bag mo. pinagalitan kita, pinagbawalan kitang umuwi ng lagpas na sa oras na dapat nasa bahay ka na. nagalit lang naman ako sa'yo noon kasi natatakot ako na masira ang pag-aaral mo. tingnan mo na lang ang mga pinsan mong maagang nag-asawa, nahihirapan sila diba? yan ang ayokong mangyari sa inyo. kahit ang kuya mo at ang mga ate mo, hindi sila nagsyota habang nag-aaral. kasi ang gusto kong mangyari, aral muna bago relasyon. ngayon ko lang naisip, buti nga at loveletter ang nasa bag mo, hindi marijuana.

pero may tiwala ako sayo anak, alam ko na kahit anong mangyari, kahit anong piliin mong gawin sa buhay mo, sigurado ako na magtatagumpay ka. kasi matalino ka. ikaw nga ang nagplano dati ng negosyong itikan natin, natatandaan mo ba yon? kasi sabi mo nga, kelangan nating magamit yung natutunan mo sa animal husbandry sa hayskul. nakita kita kung paano ka nagformulate ng laying mass, namitas ka ng mga dahon ng ipil, pinatuyo mo, hinalo mo sa molasses, at kaunting kung anu-ano. ilang araw lang at nangitlog na nga ang mga itik natin.

kapag sabado, ikaw ang nagpapastol ng mga itik sa palayan kapag tapos na ang anihan. at kapag bakasyon, abala ka sa pagtatanim ng kamoteng kahoy, gabi, petsay para may pambili ka ng gamit pagdating ng pasukan.

sa totoo lang anak, di kita kinakitaan ng pagiging bakla noon. di ka naman kumikendeng, di ka naman mahilig sa manika, di ka nakikipaglaro sa mga babae. sa katunayan pa nga, ikaw palagi ang scout master sa skul mo. at di ka talaga papayag na di makasama maski saang camping. at tuwing nagtatapos ang taon, natutuwa ako kapag tumatanggap ka ng medalya bilang pinakamahusay na boy scout ng taon.

noon, ang nakita ko lang na potensyal sayo ay maging isang mabuting haligi ng isang pamilya. nakita ko kasi na responsable ka sa lahat ng mga ginagawa mo.
di ko nakita sayo na magiging bakla ka paglaki mo. at yon siguro ang nararamdaman ko ngayon.
di ko mahanap ang sagot. siguro sayo ko na lang iiwanan ang tanong na yan, baket ka nga ba naging bakla, anak?

pero ngayon pa lang, bago ka pa man magpaliwanag, nais ko lang sabihin sayo na mahal pa rin kita at proud pa rin ako sa 'yo at kung anuman ang mga napagtagumpayan mo.
nang umuwi ka noong april, di ko makakalimutan yung sinabi mo na kahit ayaw mo nang tumira dito sa bundok, babalik at babalik ka pa rin dahil nandito ako.

wala na akong mahihiling pa sayo bilang isang anak. ginawa mo lahat ng gusto ko. di mo ako sinuway sa mga naging patakaran ko, kahit alam mong ang iba doon ay di na tama. ikaw lang sa limang anak ko ang tumanggap ng parusa sakin pero kahit kelan ay di nanumbat. ikaw lang ang hindi nagtampo sakin nang iwanan ko kayo sa nanay niyo. at sa kabila nun, ikaw ang gumawa ng paraan para magka-ayos kami. utang ko sayo ang maayos na kalagayan ko ngayon dito. maraming salamat anak at isa ka sa mga naging anak ko.

di ako mahihiya. wala kang nagawa na dapat kong ikahiya. di ako galit, matapang ka lang na ipakita ang totoo mong pagkatao. masasaktan lang ako kapag may nang-api sayo dahil sa pagiging ganyan mo. alam kong malabong mangyari yon, dahil napakatapang mong lalaki. oo anak, lalaki pa rin ang turing ko sayo. mas lalaki ka pa nga sa mga pinsan mong siga, kasi ikaw may narating, may napatunayan. sila wala.

pag-uwi mo ulit dito, okay lang na isama mo yung boypren mo na kinukwento ng mama mo sakin. para naman makilala namin ng tito cesar mo.. siyanga pala, naiyak ang tito mo nang magkwento ang mama mo. ikaw pa naman daw ang inaasahan niyang magkakaanak ng kamukha at kasintalino ng lolo mo. pano na yon?

sige anak, hanggang dito na lang ito. ikamusta mo ako sa mga kapatid mo. mag-ingat kayo palage, lalu ka na sa gabi ka pumapasok.


nagmamahal,
Papa

0 comments: